Tinanggal na ang ipinaiiral na fishing ban sa tatlo pang lugar sa Oriental Mindoro na dulot ng insidente ng oil spill kamakailan.

Ito ang isinapubliko ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor nitong Sabado at sinabing kabilang sa tatlong lugar ang Calapan City, Bansud at Gloria.

Aniya, inilabas nito ang kautusan batay na rin sa rekomendasyon Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Region 4B matapos matuklasan sa pagsusuri na pasado sa kanilang pamantayan ang kalidad ng tubig at isda sa naturang lungsod at sa dalawa pang bayan.

Gayunman, ipinagbabawal pa ring mangisda sa Pola, Naujan at Pinamalayan dahil malapit lamang ito sa pinaglubugan ng MT Princess Empress nitong Pebrero.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Kamakailan, inalis na rin ang fishing ban sa Baco, San Teodoro, Puerto Galera, Bongabong, Mansalay, Bulalacao at Roxas.

Matatandaang lumubog sa karagatang sakop ng Naujan ang nabanggit na oil tanker habang bumibiyahe patungong Iloilo mula Bataan nitong Pebrero 28 matapos hampasin ng malalaking alon.

Karga ng MT Princess Empress ang 800,000 litrong industrial fuel oil nang maganap ang insidente.