Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City - Patay ang isang pulis na tubong Capalalian, Pamplona, Cagayan matapos mailigtas ang dalawang bata na noo'y nalulunod sa Pamplona River kamakailan.
Nasawi si Police Corporal Mark Edhyson L Arinabo, 32, nakatalaga sa PCP 3 Makati Police Station, National Capital Region Police Office, noong Mayo 26.
Sinabi ng Pamplona Police na nagpi-piknik ang mga biktima kasama ang kanilang pamilya nang mapansin silang nagpupumiglas sa kanilang buhay sa gitna ng ilog.
Walang pag-aalinlangan, iniligtas ni PCpl Arinabo ang mga bata. Sa kasawiang-palad, ang pulis ay tinangay ng malakas na agos na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa tulong ng mga pulis ng Pamplona, kawani ng MDRRMO Pamplona, at ilang residente sa lugar, sunod narekober ang bangkay ni PCpl Arinabo.
Agad siyang isinugod sa Rural Health Unit ng nasabing bayan, ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Si PCpl Mark Edhyson L Arinabo o kilala bilang "Balong" ay ang panganay sa anim na anak nina Edward B. Arinabo Sr. at Josephine L. Arinabo.
Samantala, personal na nagpahayag ng pakikiramay si Police Colonel Julio Gorospe Jr, Provincial Director ng Cagayan PNP, sa pamilya ng nasawing pulis nitong Sabado ng gabi, Mayo 27.
Nagtapos si PCpl Arinabo sa kursong Bachelor of Science in Criminology sa Florencio L. Vargas College-Abulug noong 2013, at nakapasa sa Licensure Examination para sa mga Criminologist sa parehong taon.
Nagpasya siyang pumasok sa Philippine National Police sa ilalim ng NCR quota at napabilang sa PSBRC 2014-03 "Matarang" na nanumpa sa serbisyo noong Enero 12, 2015 at nagsanay sa Regional Training Center 2 sa Cauayan City, Isabela.
Ang kwento ng kabayanihan ni PCpl Arinabo ay patuloy na mabubuhay sa puso ng lahat.
Mayroon siyang dalawang anak na may edad 7- at 2-anyos.