Haharangin ng Bureau of Immigration (BI) ang mga Pinoy na nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa, gamit ang pekeng dokumento.

Ito ang babala ni BI Commissioner Norman Tansingco nitong Sabado matapos maharang ang limang Pinoy na nagtangkang lumabas ng bansa kamakailan.

“These syndicates are issuing fake documents and sweet-talk our kababayan into agreeing to their illegal schemes. Never agree to these kinds of arrangements," babala ng opisyal.

Pinayuhan din nito ang mga nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa na dumiretso lamang sa mga ahensya ng pamahalaan na makatutulong sa kanila, katulad ng Department of Migrant Workers.

Nitong Mayo 21, hinarang ng mga tauhan ng BI na naka-base sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Terminal 3 ang isang lalaking pasahero na nagtangkang bumiyahe patungong Bangkok, Thailand, dahil sa hawak na palsipikadong pasaporte.

Kinabukasan, dalawa ring babaeng may hawak na pekeng re-entry visa ng Kingdom of Saudi Arabia ang pinigil sa NAIA-Terminal 1.

Dalawa pang babaeng bibiyahe sana patungong Poland ang naharang din sa Terminal 1 nitong Mayo 23, matapos masamsaman ng pekeng overseas employment certificate.

Philippine News Agency