Lumalakas pa rin ang Super Typhoon Mawar habang papalapit sa bansa.
Sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyo 1,840 kilometro silangan ng Southeastern Luzon nitong Huwebes ng gabi.
Paglilinaw ng PAGASA, nasa labas pa rin ng bansa ang bagyo na patuloy pa ring tumatahak sa Philippine Sea.
Taglay ng bagyo ang hanging 205 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at bugso na hanggang 250 kph.
Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20 kph.
Apektado ng hangin nito ang mga lugar na sakop ng 550 kilometer mula sentro ng bagyo.
Sa pagtaya ng PAGASA, ang bagyo ay nasa 1,625 kilometro silangan ng Southeastern Luzon ngayong Biyernes dakong 8:00 ng umaga.
Dakong 8:00 ng gabi, Mayo 26, inaasahang nasa 1,570 kilometro silangan ng Central Luzon ang bagyo.