Paglilinis sa kapaligiran ng lungsod lalo na sa mga daluyan ng tubig ang naging pangunahing paghahanda ng Navotas City nitong Biyernes, Mayo 26, habang inaasahan ang pag-ulan bunsod ng Super Typhoon ‘Mawar’.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang papasok sa bansa ang bagyo ngayong Biyernes ng gabi o sa Sabado.

Nauna na rito ang pag-alerto ng ahensya sa matinding pag-ulan na maaaring epekto ng super bagyo sa kalakhang bahagi ng Northern Luzon.

Basahin: Super Typhoon ‘Mawar’: Matinding pag-ulan, asahan sa N. Luzon — PAGASA – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bilang paghahanda, ibayong paglilinis naging paraan ng Navotas City bago pa man maramdaman ang sama ng panahon.

Katuwang ang ilang street sweeper ng lungsod, kaniya-kaniyang linis na sila sa ilang bahagi ng lungsod “upang maiwasan ang pagbara ng mga kalat sa mga daluyan ng tubig at maiwasan ang pagbaha.”

Nanawagan na rin ang lokal na pamahalaan na maging responsible sa sariling mga kalat “para hindi magbara sa mga kanal at maayos na mag-operate ang ating mga bombastik.”

Ang “bombastik” o pumping station ang isa sa mga flood control effort ng lungsod sa suliraning baha.

Samantala, patuloy rin na binabantayan ng Navotas City Risk Reduction and Management Office ang bagyo.

Sa huling ulat, bahagyang lumakas pa si Mawar sa 215 km/h malapit sa gitna at pagbugso na umaabot sa 260 km/h.

“Patuloy pong naka-monitor ang #NavotasCityDRRMO, sa pamamagitan ng ating Operations Center na Navotas Action and Comman Center sa mga maaaring epekto at panganib na dulot nito. Kung may EMERGENCY, dial 8-281-1111,” anang tanggapan sa isang Facebook post nitong Biyernes.