Inihayag ng pamahalaang Lungsod ng Caloocan nitong Huwebes, Mayo 25, na nagtalaga ito ng 12 bagong emergency, disaster, at delivery vehicles para sa mas mabilis at epektibong pagtugon sa kalamidad sa lungsod.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Mayor Dale Gonzalo "Along" Malapitan ang kahalagahan ng pagiging handa sa panahon ng sakuna, pagkakaroon ng emergency vehicles, at tamang rescue equipment at pagsasanay ng mga tauhan.
"Mahirap umaksyon tuwing may sakuna kung walang sasakyan na magagamit kaya sabi ko, kung gusto natin na maging isa sa mga nangunguna pagdating sa disaster response sa ating siyudad, kailangan may sapat na ambulansya at rescue vehicles na magagamit. Pauna pa lang ito, marami pa tayong bibilhing gamit at maging ang mga rescuers natin, titiyakin natin na may angkop silang kaalaman at kakayahan para sa trabaho nila," anang alkalde.
Ipinakalat ng pamahalaang lungsod ang 10 ambulansya, dalawang Special Rescue Vehicles (SRV), at isang delivery truck matapos silang basbasan sa isang seremonya noong Lunes, Mayo 22.
Inatasan din ni Malapitan ang Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na i-standardize ang lima hanggang walong minutong response time sa anumang emergency na sitwasyon sa lungsod.
Inihayag din kamakailan ng pamahalaang lungsod ang kanilang sentralisadong 24/7 emergency hotline at ang bago nitong Alert and Monitoring Operations Center na matatagpuan sa iba't ibang estratehikong lugar sa lungsod.
Sinabi rin ni CDRRMO Officer-in-Charge Dr. James Lao na ang lungsod ay may patuloy na paghahanda para sa mga posibleng epekto ng Super Typhoon Mawar (tatawaging lokal na Betty) sa Metro Manila.
Basahin: Navotas City, nakabantay na rin vs Super Typhoon ‘Mawar’ – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid
Nitong Biyernes, Mayo 26, nakipagpulong si Malapitan sa mga kinauukulang departamento ng lungsod upang talakayin ang mga paghahanda kabilang ang paglalagay ng mga kagamitan sa pagtugon sa kalamidad para sa inaasahang pagpasok ng bagyo sa bansa.
"Inutusan na ni Mayor Along ang CDRRMO at iba pang departamento ng lungsod na maging alerto sa pagsubaybay sa panahon at sa pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga nasasakupan," ani Dr. Lao.
Aaron Homer Dioquino