Posibleng isailalim sa Signal No. 3 ang Batanes at Babuyan Islands habang papalapit sa bansa ang Super Typhoon Mawar, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa pulong balitaan nitong Biyernes ng gabi, idinahilan ni PAGASA weather forecaster Ana Clauren-Jorda na tinutumbok na ng bagyo ang mga nasabing lugar.

Bukod dito, posible rin aniyang ipairal ang storm wind signals sa silangang bahagi ng Central Luzon o sa Aurora.

Aniya, ang pagpapairal ng wind signals ay bilang paghahanda para sa inaasahang matinding hanging dala ng bagyo.

Huling namataan ang bagyo 1,725 kilometro silangan ng Gitnang Luzon, taglay ang hanging 215 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bugso na aabot sa 265 kph.

Patuloy pa ring kumikilos ang bagyo pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph.

Inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility ang bagyo ngayong gabi, Biyernes, o sa Sabado ng madaling araw.

Babala pa ng PAGASA, asahang aabot sa 220 kph ang lakas ng hangin nito sa susunod na 48 oras.