Pinahanap ng social media personality at negosyanteng si Viy Cortez ang viral na delivery rider sa TikTok na umano'y lumuhod at nagmakaawa sa isang traffic enforcer matapos siyang matiketan, na maaaring dahil sa paglabag sa batas-trapiko.
Ibinahagi ni Viy sa kaniyang Facebook post ngayong Huwebes, Mayo 25, ang screengrab sa TikTok video na nagpapakita ng pagluhod ng isang delivery rider sa harapan ng traffic enforcer, na ibinahagi ng TikTok user na nagngangalang "Jhayrick."
"May nakakakilala po ba kay kuya na nag trending sa tiktok? Yung kumuha ng lisensya ni kuya tapat lang siya sa sa kanyang trabaho(hindi ko alam ang tunay na nangyare) Pa tag po salamat," ani Viy.
Paglilinaw ni Viy, ginagampanan lamang ng traffic enforcer ang kaniyang trabaho, at hindi raw niya alam ang tunay na mga mangyari. Kaya niya pinahahanap ang delivery rider ay upang maabutan ito ng tulong, dahil nakadudurog ng puso at kalooban ang ginawa nitong pagluhod dahil sa paniniket sa kaniya.
"Guys walang mali ang enforcer basahin nyo caption ko. Tapat lang sya sakanyang trabaho. Nais ko lang tulungan si kuya rider. Dahil para lumuhod ka at magmakaawa maaring malaki ang pinagdadaanan nya."
Sa update ni Viy ay mukhang nagkita na sila ng rider at nakiusap na huwag nang palakihin ang isyu.
"Nagkita na po kami salamat po♥️ wag nyo na po palakihin pa itong post ko salamat," pakiusap ni Viy, kalakip ang litrato nila ng rider.
Aminado naman daw ang rider sa kaniyang pagkakamali.
"Aminado po si kuya na siya ay nagkamali. Saka lang po siya lumuluhod para sana mapababa kase po ₱2k po ang kailangan para maibalik. Kaya po wala kasalanan ang enforcer tapat po s'ya sa kaniyang trabaho," paglilinaw ni Viy.
Hindi naman dinetalye ni Viy kung anong tulong ang ibinigay niya sa rider.