Lumakas muli nitong Huwebes ang super bagyong Mawar kahit nasa labas pa ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa pahayag ni PAGASA weather forecaster Benison Estareja, nasa 185 kilometer per hour (kph) na muli ang lakas ng hangin ng bagyo nitong Huwebes ng madaling araw.

Nitong Miyerkules aniya, bahagyang humina ang bagyo matapos maitala sa 175 kph ang lakas ng hangin nito habang nasa labas ng Pilipinas.

"Posible pa rin pong umabot sa 215 kph po ang maximum na lakas ng hangin nito pagsapit ng Sabado," aniya.

National

PBBM, masayang ligtas si Donald Trump mula sa 'assassination attempt'

Aniya, posible ring hindi na tatama sa land area ng bansa ang mata ng bagyo. Gayunman, paiigtingin nito ang southwest monsoon (habagat) sa mga susunod na araw.

Inaasahang papasok sa bansa ang bagyo sa Biyernes ng gabi at tatawagin itong "Betty."

Sa weather bulletin ng PAGASA, dumaan na sa Northern Mariana Islands ang bagyo.

Huling namataan ang bagyo 2,205 km silangan ng timog silangang Luzon na nasa labas pa rin ng PAR.

Patuloy pa ring kumikilos ang bagyo sa kanluran hilagang kanluran sa bilis na 10 kph.

Ang bagyo ay inaasahang nasa 1,850 km ng Virac, Catanduanes sa Huwebes ng gabi at sa Biyernes ng gabi, inaasahang nasa 1,495 km na ito ng silangan ng Casiguran, Aurora