Nakatanggap ng iba't ibang tulong at serbisyo ang mga residente ng Marikina City, partikular ang mga senior citizen, mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong Mayo 22 sa Marikina Hotel and Convention Center.
Sa Facebook post noong Martes, Mayo 23, ibinahagi ng ahensya na namahagi sila ng 1,000 food packs sa mga senior citizen ng lungsod, sa pangunguna ni PCSO Director Jennifer Liongson-Guevara.
Naghandog rin ng libreng medical at dental mission, mga gamot at bitamina ang PCSO sa pangunguna naman ng Medical Services Department (MSD).
Ayon sa PCSO, nasa 118 pasyente ang nakatanggap ng libreng konsultasyon at 24 pasyente naman ang sumailalim sa dental procedure kagaya ng tooth extraction.
Bukod dito, namigay rin ang ahensya ng Mega Lotto 6/45 ticket sa 300 senior citizens.
Samantala, nagbigay rin ang PCSO ng Educational Assistance sa dalawang iskolar ng bayan ng Marikina. Nagkakahalagang P20,000 ang tsekeng ibinigay ng ahensya kina Mark Gabriel Santos at Zayryl R. Zacarias.
Tumanggap din ng tseke na kumakatawan sa lotto shares ng pamahalaang lungsod na nagkakahalagang P3,336,486.34 na tinanggap ni Kag.Rommel Acuna, miyembro ng Sangguniang Panglungsod ng Marikina.
“Sa pangunguna po ni GM Mel Robles, Chairman Junie Cua, at kasama po naming mga Directors ay nandito po ang PCSO para maghatid ng tulong para sa mga lolo at lola natin dito sa Marikina. Ito po ay alinsunod sa direktiba ng Mahal na Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na abutan ng tulong ang mga Pilipino sa bawat sulok ng bansa," ani PCSO Director Guevara sa kaniyang panayam.