Ipinahayag ng Malacañang na bumubuo na ang 'National El Niño Team' ng iba't ibang water conservation programs na naglalayong pagaanin ang mga epekto ng nagbabantang tagtuyot sa bansa.

Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Mayo 24, ibinahagi nitong bubuuin at ipatutupad ang water conservation programs sa mga opisina ng national government.

Ayon sa National El Niño team, na kinakatawan ng iba't ibang ahensya ng gobyerno na gumagawa ng mga hakbang upang matugunan ang mga epekto ng El Niño phenomenon, bubuuin ang water conservation programs ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). 

Inaatasan din umano ang DENR na tukuyin ang mga lugar na “geographically challenged” na mangangailangan ng pagpapalaki ng supply ng maiinom na tubig.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Ang DENR at Department of Agriculture (DA) naman umano ang inaatasang magtrabaho sa inaasahang pagbabawas ng alokasyon ng tubig para sa National Irrigation Administration (NIA) dahil sa posibleng pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.

Sa isinagawa umanong pagpupulong ng National El Niño team, idinagdag ang Department of Science and Technology (DOST) bilang bagong miyembrong ahensya ng kanilang technical working group.

Binigyang-diin din ng team na naatasan ang DA na maghanda ng isang komprehensibong ulat sa mga hakbang sa pagpapagaan at mga interbensyon ukol sa mga posibleng epekto ng paparating na El Niño sa bansa.

Nakatalaga din umano ang DA na makipag-ugnayan sa Philippine Rice Research Institute upang mangalap ng data sa drought-resistant varieties, bukod sa iba pa.