Matapos ang 28-taong matiyagang pagtaya sa lotto, nakapag-uwi na rin sa wakas ng tumataginting na mahigit ₱21 milyong jackpot prize sa SuperLotto 6/49 ang isang residente ng Zamboanga City.

Sa isang kalatas ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Huwebes, nabatid na napagwagian ng lucky bettor ang ₱21,215,267 jackpot prize ng SuperLotto 6/49 na binola noong Abril 27, 2023, matapos na matagumpay na mahulaan ang six-digit winning combination na 48-10-12-28-34-05.

Nitong Mayo 2 lamang naman kinubra ng lucky winner ang kanyang premyo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.

Mismong si PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang nag-abot ng tseke sa bagong lotto millionaire.

Metro

Lalaki, pinagsasaksak sa dibdib dahil umano sa paggamit ng basketball court

Sinabi ng bagong milyonaryo na labis ang kanyang kasiyahan at halos hindi siya makapaniwala na matapos ang 28 taon ay pinalad na rin siyang magwagi ng jackpot prize.

Aniya, 1995 pa siya parokyano ng lotto at buong tiyaga siyang tumaya sa lotto at hindi nawalan ng pag-asa na balang-araw ay isa sa mga papalaring magiging susunod na milyonaryo.

Plano umano niyang gamitin ang pera sa pag-i-invest para sa kinabukasan ng kanyang pamilya.

Sa ilalim ng PCSO charter, ang lahat ng premyo na hindi makubra sa loob ng isang taon, mula sa araw ng pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at magiging bahagi ng kanilang Charity fund.

Nakasaad naman sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na ang lahat ng lotto winnings na lampas sa ₱10,000 ay sasailalim sa 20% final tax.

Kaugnay nito, muli rin namang hinikayat ng PCSO ang publiko na maglaro ng lotto at bumili lamang mula sa mga authorized PCSO outlets.

Ayon sa PCSO ang lahat ng kita mula sa kanilang mga palaro ay mapupunta sa iba’t ibang charity programs, medical assistance, at health care services.

“Lotto results and other details of PCSO games, products, and services are posted on the official Facebook page at www.facebook.com/pcsoofficialsocialmedia, the PCSO GOV channel on YouTube, and on the official PCSO website at www.pcso.gov.ph,” anang PCSO.