Tiniyak ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na handa ang lokal na pamahalaan sa inaasahang pagpasok sa bansa ni bagyong Betty o Typhoon Mawar.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Teodoro na bilang paghahanda sa inaasahang pagpasok ng bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ang mga equipment at mga frontline personnel ng lungsod ng Marikina ay naka-preposition na para tumugon sa ano mang emergency situation .

Ayon kay Teodoro, agaran nilang i-de-deploy ang mga ito sa mga lugar na kailangan ng tulong.

“Inatasan ko na rin ang lahat ng ating frontline personnel na maging alerto sa lahat oras, at bantayang maigi ang pagtama ng bagyo sa ating lungsod,” anang alkalde.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Gayundin, mayroon din aniya silang mga volunteers na handang tumulong sa ating mga residente bilang augmentation force para sa ating mga tauhan o frontline personnel ng lungsod.

Pinayuhan din naman ni Teodoro ang kanilang mga kababayan na maging mapagmatyag at maging laging handa sa anumang kaganapan.

“Lagi po tayong maging updated sa mga anunsyo ng lokal na pamahalaan hinggil sa pananalasa ng bagyo, at kung ano ang epekto nito sa ating komunidad upang alam po natin kung ano ang dapat gawin,” aniya pa.

Dagdag pa ng alkalde, “Sumunod po tayo sa lahat ng tagubilin at payo ng lokal na pamahalaan ng Marikina sakaling ipag-utos ang forced evacuation.”

Pagtiyak pa ni Teodoro, 24/7 na minumonitor ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang water level ng Marikina River para makapagbigay ng abiso sa mga residente sakaling ipag-utos ang puwersahang paglikas upang madala sila sa mas ligtas na lugar.

Para naman sa mga emergency concern ng mga residente, sila pinapayuhang makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga barangay o sa mga emergency hotline ng lungsod ng Marikina.