Kinabibiliban ngayon ang isang Grade 10 student mula sa Negros Occidental matapos mag-kampeyon sa kategoryang "editorial cartooning" sa district at division press conference para sa campus journalists na ginanap sa kanilang lugar.

Ibinida ng gurong si "Rene Jun A. Gasper," 29-anyos, at campus journalism adviser ng Sagay National high School ang mag-aaral na si Kim Guanzon ng Bulanon Farm School, dahil kahit wala siyang mga daliri sa dalawang kamay, ay hindi ito naging hadlang at nagawa pa rin niya ang mahusay na pagguhit.

"MAPALAD: Pinatunayan ni Kim Guanzon ng Bulanon Farm School na hindi hadlang ang kapansanan para makamit ang rurok ng TAGUMPAY! Maswerte ang taong kompleto ngunit mas mapalad ang determinado," aniya sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Mayo 19.

"Champion sa District Press (Conference)."

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

"Champion again sa Division Press (Conference)."

"Kahanga-hanga ka. Padayon sa regional level!" paghanga ng guro.

Kim Guanzon (Mga larawan mula sa FB ni Rene Jun A. Gasper)

Sa panayam ng Balita kay Sir Rene, sinabi niyang bagama't mula sa ibang paaralan ang bata, labis siyang humanga sa kakayahan at determinasyon nito. Hindi inalintana ng bata ang kaniyang kakulangan.

"Hindi po ako ang adviser ng bata. Na-inspire lang ako sa kaniya. Same lang kami District ibang school lang siya," ani Sir Rene.

"Na-amaze lang ako sa kaniya as well as na-inspire sa kaniya kaya na post ko. At least malaman at ma-inspire ang mga bata to do better," dagdag pa.

Sa panayam naman ng Balita sa ina ni Kim na si Elizabeth Alpas Guanzon, sinabi niyang buo ang suporta niya at ng kaniyang pamilya para kay Kim, sa alinmang mga pangarap na nais nitong abutin.

"Ineencourage po namin s'ya na gawin ang makapagpasaya sa kaniya, at hindi namin hinayaan na sagabal ang disability n'ya... parati namin s'ya inaappreciate kasi mas nagagawa n'ya ang hindi namin kayang gawin gaya ng pag-drawing," aniya.

Mapalad ding nakapanayam ng Balita si Kim Dito ay inilahad niya ang kaniyang mga pinagdaraanan sa araw-araw at kung paano niya ito napagtatagumpayan.

Anong pakiramdam na nanalo siya sa editorial cartooning sa kabila ng kaniyang kondisyon?

"Unang-una napakasaya ko dahil nanalo ako sa editorial cartooning. Hindi ko inakala na manalo ako kasi unang-una ako lang yung sumali na may ganitong kondisyon. Ngunit inisip ko na lang na ibigay lahat ng aking makakaya at nagpapraktis palagi."

"Nang manalo ako, hindi maipaliwanag ang nararamdaman, masayang-masaya ako dahil sa kabila ng aking kondisyon nakamit ko ang tagumpay at masaya rin ako na marami akong na-inspire."

Aminado naman si Kim na hindi rin madali sa kaniya ang kaniyang kalagayan.

"Nahihirapan ako minsan dahil na rin sa kondisyon ko at minsan ang hirap mag-adjust pero kapag nagpraktis ka talaga nang mabuti mas maiimprove pa yung skills mo. At ito yung talent na binigay ng Panginoon sa akin at malaki ang pasasalamat ko sa Kaniya at sa mga taong tumulong sa akin na maabot ko yung ganitong tagumpay dahil kung wala sila, hindi ko rin ito makamit."

Mensahe niya sa mga katulad niyang lumalaban sa buhay at inaabot ang kanilang pangarap sa kabila ng kanilang kondisyon o kinalalagyan:

"Ang mensahe ko lang sa kanila ay ipagpatuloy lang nila yung kakayahan nila sa pagguhit at huwag sumuko kahit nahihirapan na maging matatag dahil balang-araw maabot mo rin yung gusto mo. At sa mga kagaya kong may ganitong kondisyon na may talento ipagpatuloy n'yo lamang 'yan at patuloy na mag-inspire sa iba."

"Ipagpatuloy mo yung gusto mong gawin kahit minsan mahirap at nahihirapan ka pero piliin mong maging inspirasyon ka sa iba at higit sa lahat hindi tayo pababayaan ng Panginoon, nariyan Siya para tulungan tayo."

"Nariyan din yung mga taong nagmamahal at nagsuporta sa atin. Huwag kang matakot na ipakita yung talento mo at mag-inspire sa iba," ani Kim.

Bukod sa kaniyang mga kamay, kaya ring gumuhit at magsulat ni Kim gamit ang kaniyang mga paa! Makikita ito sa kaniyang TikTok account.

Isa kang inspirasyon sa lahat, Kim! Congrats at ipagpatuloy mo lamang ang iyong mga nasimulan!

BASAHIN: ‘Ang husay!’ Grade 10 student na walang mga daliri, wagi sa journalism contest 

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!