Isang lalaking nagmamaneho ng isang U-Haul truck na naglalaman ng watawat ng Nazi at bumangga sa malapit sa White House ang inaresto at kinasuhan ng mga awtoridad dahil sa umano’y pagtatangka nitong patayin o saktan si US President Joe Biden.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng US Park Police na tila sinadya ng driver na magmaneho sa mga bollard sa labas ng Lafayette Park bago mag-10:00 ng gabi (0200 GMT) noong Lunes, Mayo 22.
Wala naman umanong nasugatan sa nangyaring insidente.
Ayon kay White House spokesperson Karine Jean-Pierre, nasabihan si Biden hinggil sa sitwasyon noong Martes ng umaga, Mayo 23.
"He's relieved that no one was injured last night and grateful to the agents and law enforcement officers who responded so quickly," aniya sa ulat ng AFP.
Kinilala umano ang driver na si Sai Varshith Kandula, 19, ng Chesterfield, Missouri.
Kinasuhan si Kandula ng “assault with a dangerous weapon, reckless operation of a motor vehicle, threatening to kill/kidnap/inflict harm on a president, vice president, or family member, destruction of federal property” at “trespassing.”