Hinangaan ng isang guro, maging ng mga netizen, ang isang Grade 10 student mula sa Negros Occidental matapos mag-kampeyon sa kategoryang "editorial cartooning" sa district at division press conference para sa campus journalists na ginanap sa kanilang lugar.

Ibinida ng gurong si "Rene Jun A. Gasper," 29-anyos, at campus journalism adviser ng Sagay National high School ang mag-aaral na si Kim Guanzon ng Bulanon Farm School, dahil kahit wala siyang mga daliri sa dalawang kamay, ay hindi ito naging hadlang at nagawa pa rin niya ang mahusay na pagguhit.

"MAPALAD: Pinatunayan ni Kim Guanzon ng Bulanon Farm School na hindi hadlang ang kapansanan para makamit ang rurok ng TAGUMPAY! Maswerte ang taong kompleto ngunit mas mapalad ang determinado," aniya sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Mayo 19.

"Champion sa District Press (Conference)."

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

"Champion again sa Division Press (Conference)."

"Kahanga-hanga ka. Padayon sa regional level!" paghanga ng guro.

Sa panayam ng Balita kay Sir Rene, sinabi niyang bagama't mula sa ibang paaralan ang bata, labis siyang humanga sa kakayahan at determinasyon nito. Hindi inalintana ng bata ang kaniyang kakulangan.

"Hindi po ako ang adviser ng bata. Na-inspire lang ako sa kaniya. Same lang kami District ibang school lang siya," ani Sir Rene.

"Na-amaze lang ako sa kaniya as well as na-inspire sa kaniya kaya na post ko. At least malaman at ma-inspire ang mga bata to do better," dagdag pa.

Mas humanga pa ang guro nang mapag-alamang with high honors din ang bata sa kanilang paaralan.

Habang isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa 4.2k reactions at 2.4k shares ang naturang Facebook post.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!