BACOLOD CITY – Patay ang isang rider ng motorsiklo na patungo sana para bumili ng gatas para sa kanyang anak habang sugatan ang isang lending collector sa karambola sa Purok Malipayon, Barangay Tampalon, Kabankalan City, Negros Occidental noong Martes, Mayo 23.

Kinilala ang nasawi na si Arcris Capadocia, 36, ng Barangay Tampalon. Sugatan ang lending collector na si Patricio Bacsan Jr., 36, ng Barangay Talubangi, Kabankalan City.

Sinabi ni Police Senior Master Sgt. Ramonito Regalia Jr., chief investigator ng Kabankalan City Police Station, na mabilis umano ang takbo ng motorsiklo ni Bacsan at nag-overlap sa lane ni Capadocia habang papalapit sa kurbadang bahagi ng kalsada.

Bumangga si Bacsan kay Capadocia na nahulog mula sa kanyang motorsiklo at tumama ang ulo sa semento. Dinala si Capadocia sa ospital kung saan idineklara itong patay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Papunta sana ang biktima sa city proper para bumili ng gatas para sa kanyang anak nang masangkot sa aksidente.

Sinabi ni Regalia na inaresto si Bacsan sa Barangay Talubangi ilang oras matapos mangyari ang aksidente matapos itong mag-check in sa isang ospital para sa minor injuries. Ang kanyang kasama ay hindi nasaktan.

Hinihintay ng mga pulis ang desisyon ng pamilya ng biktima kung magsasampa sila ng kaso. Handa si Bacsan na magbigay ng tulong sa pamilya ng biktima.

Glazyl Masculino