₱18-M halaga ng cocaine, nasamsam sa Clark Airport
CLARKFIELD, PAMPANGA -- Nasa tinatayang 3,468 gramo ng cocaine ang nasabat mula sa 48-anyos na lalaki na galing Suriname, South America matapos lumapag sa Clark Airport nitong Martes ng gabi, Mayo 23.
Umaabot sa ₱18,380,400.00 ang halaga ang nasabat.
Kinilala ng PDEA Clark Chief ang naarestong suspek na si Renaldo Wilfred Oliveira, Surinamese national.
Dumating ang suspek sa Clark sakay ng United Arab Emirates Flight EK338 dakong 6:31 ng gabi.
Ayon sa ulat, ang nakumpiskang iligal na droga ay nasa loob ng bagahe ni Oliveira na nakapaloob sa kaniyang mga jacket.
Nasa 30 vacuum sealed transparent pack na naglalaman ng cocaine ang narekober sa suspek.
Ang matagumpay na interdiction operation ay magkatuwang na isinagawa ng mga operatiba sa pangunguna ng PDEA Clark Inter Agency Drug Interdiction Unit, PDEA Region III, PDEA Region 7, Bureau of Customs Port of Clark, Bureau of Immigration, NBI Pampanga District Office at PNP Aviation Security Unit 3.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.