Lumampas na sa 96 milyon ang latest Subscriber Identity Module (SIM) card registration tally.
Batay sa pinakahuling SIM registration update na inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC), ang kabuuang bilang ng mga rehistradong card ay nasa 96,910,251. Ito ay katumbas ng hindi bababa sa 57.68 porsiyento ng halos 170 milyong card sa buong bansa.
Sinabi ni NTC Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan, sa isang panayam sa ANC nitong Lunes, Mayo 22, na nagkaroon ng “sharp decline” sa pagpaparehistro matapos ang mandatoryong panukala ay pinalawig ng 90 araw.
"Batay sa pinakabagong bilang mayroon na kaming humigit-kumulang [mahigit 96 milyong nakarehistrong] mga subscriber. Nakita namin ang matinding pagbaba sa [pacing of the registration] pagkatapos ipahayag ang extension. Nakakita kami ng average na 150,000 [daily registrants] mula nang ma-extend ang deadline,” ani Salvahan.
“Gayunpaman, hindi natin nakikita na aabot tayo sa 100 percent mark. Tinitingnan namin ang humigit-kumulang 100 hanggang 110 milyong SIM para mairehistro," dagdag niya.
Nauna rito, sinabi ng pambansang pamahalaan na isang beses lang gagawin ang pagpapalawig sa deadline ng pagpaparehistro ng SIM. Ang hindi pagsunod, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ay magreresulta sa permanenteng pag-deactivate ng mga SIM.
Ang mandatoryong pagpaparehistro ay magtatapos sa Hulyo 25, 2023.
Charie Mae Abarca