Muling sumabog ang bulkan sa bansang Indonesia na Mt. Merapi, isa sa mga pinakaaktibong bulkan sa buong mundo, nitong Martes, Marso 23, at nagbuga umano ng lava sa mahigit dalawang kilometro mula sa bunganga nito.

Sa ulat ng Agence France-Presse, ibinahagi ng Center for Research and Development of Geological Disaster Technology (BPPTKG), isang ahensya ng gobyernong sumusubaybay sa bulkan, na dose-dosena ring maliliit na pagyanig kaugnay sa pagsabog ng Mt. Merapi ang naitala nitong Martes.

Mula noong nakaraang taon ay nagpatupad na umano ang mga awtoridad ng restriction zone na pitong kilometro mula sa bulkan kasunod ng posibleng panganib para sa mga residenteng malapit dito.

Ayon kay BPPTKG head Agus Budi Santoso sa ulat ng AFP, umabot sa naturang restriction zone ang naibugang lava ng Mt. Merapi nitong Martes.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Dagdag nito Santoso, nananatili pa rin ang Mt. Merapi sa pangalawa sa pinakamataas na alert level.

Patuloy naman umanong sinusubaybayan ng ahensya ang naturang bulkan.

Naitala umano ang huling malakas na pagsabog ng Mt. Merapi noong 2010 kung saan mahigit 300 indibidwal ang nasawi at halos 280,000 mga residente ang napilitang lumikas.

Nangyari naman ang pinakamlakas na pagsabog ng naturang bulkan noong taong 1930 kung saan 1,300 ang nasawi.

Matatagpuan ang bansang Indonesia sa Pacific “Ring of Fire” at mayroong halos 130 aktibong mga bulkan.