Hindi dapat lalagpas sa P300 ang dapat na bayad kung susubukang magpa-medical exam na kinakailangan para sa aplikasyon ng student permit at driver's license.
Ito ay matapos itakda ng Land Transportation Office (LTO) sa nasabing halaga ang maximum fee para sa medical examination.
Ayon kay resigned LTO head Jose Art Tugade, nakakatanggap ang ahensya ng mga reklamo na namamahalan sa presyo ng medical exam.
"Hindi po natin maisasantabi ang maraming reklamo kaugnay ng sobrang mahal ng pagkuha ng medical certificate na ang iba ay nagbabayad ng ₱500 hanggang ₱700. Mabigat na ang halaga na ito para sa ating mga ordinaryong mamamayan," ani Tugade.
Sa ilalim nglagdaang Memorandum Circular ni Tugade, sakop ng bagong polisiya ang lahat ng LTO-accredited medical clinics at health facilities kung saan ay accredited din na doktor ang nagsasagawa ng medical, physical, optical at iba pang pagsusulit para sa aplikasyon ng student driver's permit, bagong non-professional driver's license at bagong conductor's license, gayundin sa renewal at upgrading ng lisensya mula sa non-professional tungo sa professional.
Inaasahang maipapatupad ang bagong polisiya 15 araw matapos itong lumabas sa mga pahayagan o pagkatapos maihain ang isang sertipikadong kopya sa Office of the National Registry sa University of the Philippines Law Center.
Samantala, nakatakdang ilunsad ng LTO ang isang digital driver’s license na magsisilbing alternatibo sa physical card.
MAKI-BALITA: Digital driver’s license, ilulunsad ng LTO
Hindi naman nabanggit kung kailan opisyal na ilulunsad ang nasabing bersyon ng driver’s license.