Pinalagan ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes ang isang malisyosong fake news na pinalulutang umano sa social media na kaya diumano nasunog ang Manila Central Post Office ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ay dahil sa plano itong pagtayuan ng shopping mall o condominium building.
Nilinaw naman ni Lacuna na ang post office ay national government property at nasa isang institutional zone.
Nangangahulugan aniya ito na ang lugar ay para sa institutional na gusali lamang, gaya ng mga opisina, paaralan, public government buildings, religious buildings at iba pa, kaya't imposibleng patayuan ito ng mall at condo building.
“Under the city’s zoning ordinance (Ordinance 8119), said site is designated as a heritage overlay zone.More than that, the National Historical Institute and the National Museum have already put up a marker (plaque) on the post office, making it an officially protected site,” ani Lacuna.
“Sa mga nag-aagam-agam na bakasakali ay may ibang gustong ipatayo, ‘wag kayong mag-alala.Ang lugar po kung saan nakatayo ang Manila Central Post Office, ayon po sa aming zoning ordinance, ay isang institutional zone pero liban pa po doon, ito ay idineklara noong 2018 ng national museum bilangimportant cultural property na ibig sabihin lamang po, ang NHI (National Historical Institute) ay dineklara ang buong lugar bilang isang heritage zone,” paliwanag pa ni Lacuna.
Kaugnay nito, tiniyak din ng alkalde na dahil ang MCPO ay isang national government property, ang lokal na pamahalaan ng Maynila ay tutulong sa restorasyon at rehabilitasyon ng nasabing national treasure sa lalong madaling panahon.
Aniya pa, naimpormahan siya na ang mga nagtatrabaho sa nasunog na gusali ay lilipat muna sa kanilang foreign mail distribution center sa Delpan.
Una naman nang tiniyak ng pamunuan ng PHLPost na tuloy ang kanilang pagkakaloob ng serbisyo sa mga mamamayan sa kabila nang naganap na sunog.