Tatlo pang naarestong mga suspek ang nagbawi umano ng kanilang mga testimonya hinggil sa kanilang partisipasyon at pagdawit kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” A. Teves Jr. sa pagpatay umano kay Gov. Roel R. Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4 sa bayan ng Pamplona.

Sa panayam ng CNN Philippines sa abogadong si Danny Villanueva, ang kumakatawan sa apat na suspek, nitong Martes, Mayo 23, sinabi nitong nagsagawa ang kaniyang mga kliyente ng kanilang “affidavits of recantation”.

Sinabi ni Villanueva na kinakatawan niya ang mga suspek na sina Jhudiel R. Rivero, Dahniel P. Lora, Romel A. Pattaguan at Rogelio C. Antipolo Jr.

“All these four have executed their respective affidavit of recantations and, on the part of Mr. Rivero, yesterday he submitted his kontra-salaysay or counter-affidavit to the Department of Justice (DOJ),” aniya.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Gayunpaman, tumanggi si Villanueva na magbigay ng mga kopya ng affidavits of recantations na nakabinbin sa pagsusumite sa DOJ.

Sa kaso ni Rivero, ang kaniyang counter-affidavit na isinumite sa DOJ ay naglalaman ng recantation ng kaniyang dapat na affidavit na umamin sa kaniyang partisipasyon sa Pamplona killings at ang implikasyon ni Teves sa insidente.

Sa kaniyang affidavit, sinabi ni Rivero na pinilit siya ng pulisya na magsagawa ng affidavit at idawit si Teves.

MAKI-BALITA: Suspek, binawi kaniyang testimonya na nagdawit kay Teves sa Degamo-slay case

Ayon kay Villanueva, ang affidavits of recantations ay dapat na nakalakip sa counter-affidavit ni Rivero.

“However, the panel of state prosecutors required us to submit the sworn statements executed by the PNP (Philippine National Police) of Negros Oriental as well as those allegedly executed by our clients before the NBI (National Bureau of Investigation),” saad niya.

Sa preliminary investigation na ginanap nitong Lunes, Mayo 22, inalala ni Villanueva na nangatuwiran siyang dapat ang panel ang siyang magbigay ng mga kopya ng mga sinumpaang salaysay dahil ginagamit umano ang mga ito laban sa kaniyang apat na kliyente.

Hinggil sa kaniyang paliwanag sa affidavit of recantation ni Rivero, sinabi ni Villanueva:

“Hindi po natin masasabing bumaliktad ang aming kliyente o si Ginoong Rivero sapagkat dapat po nating maunawaan na ‘yung binabanggit na pag-amin niya na siya daw ay kasama doon sa grupo ay hindi po galing sa kaniya ‘yon.

“Hindi rin po totoo na may dinadawit siyang marami pang tao na kasama raw doon sa ginawang pagpasok sa compound ng mga Degamo at kasama na nga diyan si Ginoong Teves.”

Nagsampa kamakailan ang NBI sa harap ng DOJ ng 10 murder, 14 frustrated murder, at apat na attempted murder laban kay Teves. Hindi umaksyon ang DOJ sa mga reklamo.

Itinanggi naman ni Teves, na nagpasyang manatili sa ibang bansa sa kabila ng pagkapaso ng kaniyang awtoridad na makapaglakbay, ang mga paratang laban sa kaniya.

Jeffrey Damicog