Tinatayang 19 estudyante ang nasawi matapos umanong masunog ang isang school dormitory sa Guyana, South America.
Sa ulat ng Agence France-Presse, nangyari ang sunog noong Linggo, Mayo 21, sa isang dormitoryo ng mga estudyanteng babae na may edad 11 hanggang 12 at 16 hanggang 17.
Nasawi ang 14 sa mga estudyante sa dormitoryo sa Mahdia Secondary School sa central Guyana habang ang lima ay binawian ng buhay sa Mahdia District Hospital, ayon sa pahayag ng fire department.
Samantala, anim umanong estudyante ang nasa malubhang kaso at nailipat na sa Georgetown. Dalawa raw sa kaniya ay nananatiling nasa kritikal na kondisyon, habang ang apat ay nagtamo ng severe injuries na dulot ng insidente.
Tinatayang 63 mga estudyante umano ang nasa gusali nang sumiklab ang sunog.
Nagpahayag naman ng pagluluksa at pakikiramay si President Irfaan Ali sa nangyari.
"This is a major disaster. It is horrible, it is painful,” aniya noong Linggo ng gabi.
Nakipagkita rin umano si Ali sa mga magulang at kamag-anak ng mga estudyanteng naapektuhan ng sunog, at nagdeklara ng tatlong araw na pagluluksa sa bansa.
“I'm committing, as I have done to the family members already, our full unconditional, unhindered support for the families and these children; whether it be medical, social, counseling, financial, transportation, accommodation- whatever the form of support required, the state will provide that support to the families, to the children,” saad ng pangulo ng Guyana.
“I ask that as a nation we utilize the next three days as three days of prayers for these children, their families, and the community,” dagdag niya.
Nanawagan naman ang mga kaanak ng mga nabiktima ng sunog ng hustisya sa nasabing insidente.