Sa eksklusibong panayam ng Balita sa Sangguniang Kabataan (SK) chairperson ng Malanday, Valenzuela, idinetalye nito ang bagaman ambisyoso ay posibleng proyekto na ang tanging layunin ay gampanan ang pangakong binitawan para sa pinagsisilbihang komunidad.
“One of my dream[s] [is] to change the landscape of Sangguniang Kabataan gearing towards innovative projects and to slow down implementing traditional ones,” ani Chairperson Mark Dela Cruz sa Balita nitong Lunes, Mayo 22.
Bahagi ng “comprehensive barangay youth development plan” ng kanilang ranggo ang pagtatayo ng mini-library, dagdag ng lider na aminadong naging plataporma rin ang proyekto bago pa man nailuklok sa pampublikong tanggapan.
“Ang idea ay parang ito ang magiging bahay ng mga mag-aaral, hindi na nila kailangan lumayo pa o dumayo pa sa kung saan. Makapagbigay ng libreng espasyo at serbisyo na makakatulong upang malinang ng husto ang kanilang pag-aaral,” pagbabahagi ni Dela Cruz sa ilang taong pinaghandaan ng kaniyang konseho at sinuportahan naman ng kanilang barangay para sa dagdag na pondo.
Bagaman tinatamasa ngayon ang ani ng inisyatiba, naging challenge din aniya sa kanila ang pagsasapinal sa proyekto lalo pa noong pumutok ang Covid-19 pandemic noong 2020.
Ipinagpapasalamat naman ni Dela Cruz ang gusaling nahiram sa kanilang barangay para sa pagsasakatuparan ng ambisyosong proyekto.
Sa pamamagitan ng pondo ng SK, sa wakas, ay lalong luminaw ang tahak ng inisyatiba kasunod ng unti-unting pagkapuno ng mga kagamitan sa gusali para tuluyan nang magbukas ang aklatan.
“We also conducted a benefit Color Run last April 29, 2023. Proceeds of the said event will be fully utilize[d] to purchase new books to fill the gaps [on] our shelves,” saad ni Dela Cruz.
Matapos opisyal na magbukas noong Miyerkules, Mayo 17, nasa 150 estudyante na ang agad na napagsilbihan ng aklatan.
Pinagsisikapan naman ngayon ng SK Malanday ang lalo pang pagpapahusay sa mga serbisyo nito kagaya ng “basic printing and photocopy services” na kalauna’y mapakikinabangan ng mga kabataan sa kanilang lugar.
Una nang hinangaan ng netizens ang nasabing proyekto na anila’y malinaw na modelo para sa kabuuang SK sa bansa.