Binawi ng isang arestadong suspek, na una nang sinampahan ng kaso sa korte ng illegal possession of firearms and explosives, ang kaniyang sinumpaang salaysay na nag-uugnay sa umano'y partisipasyon ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa pagpaslang kay Gov. Roel Degamo at siyam pang indibidwal sa bayan ng Pamplona noong Marso 4.

Sa kaniyang counter-affidavit na inihain sa Department of Justice (DOJ) nitong Lunes, Mayo 22, sinabi ni Jhudiel R. Rivero, kilala rin bilang Osmundo Rivero, na pinahirapan siya ng mga pulis para aminin ang kaniyang partisipasyon sa Pamplona killings at para idawit si Teves.

Isa si Rivero sa apat na suspek na naaresto sa hot pursuit ng pulisya matapos ang insidente noong Marso 4.

Nauna nang nakilala ang tatlo pang naarestong suspek na sina Joric Garido Labrador, Joven Calibjo JJavier, at Benjie Buladola R. Rodriguez.

Kasunod ng kanilang pag-aresto, sinabi ng DOJ na ang apat na naarestong suspek ay una nang kinasuhan sa Bayawan City regional trial court (RTC) ng three counts ng illegal possession of firearms, ammunition and explosives.

Sa mga naunang pahayag, sinabi ng DOJ na itinuro ng apat na naarestong suspek ang partisipasyon ni Marvin H. Miranda, ang inarestong bodyguard ni Teves, sa mga nasabing pagpatay.

Nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) noong Mayo 17, 2023 ng mga reklamo sa DOJ laban kay Teves para sa 10 counts ng murder, 14 counts ng frustrated murder, at four counts ng attempted murder.

Nitong Biyernes, Mayo 19, hindi pa umano nasusuri ng DOJ ang mga reklamo para maaksyunan.

Samantala, sa kaniyang counter-affidavit, sinabi ni Rivero:

“Hindi totoo na may killala akong Marvin. At hindi rin totoo na aking tinuro ang litrato ni Cong. Teves nang ipaturo sa akin sa apat na litrato sapagkat hindi ko siya kilala at kailanman ay hindi ko pa siya nakikita.

“Hindi rin totoo na alam ko ang mga naging pagpa-plano sa pagpatay kay Gov. Degamo at hindi rin totoo na pamilyar sa akin ang mga ginamit na baril at kasuotan dahil kailanman ay hindi ko ito nagamit o nakita.”

Ikinuwento ni Rivero na noong umaga ng Marso 5, 2023, siya ay inaresto ng pulisya at dinala sa Provincial Intelligence Unit ng PNP.

Sinabi niya sa kaniyang affidavit:

“Nang ako ay nasa Provincial Intelligence Unit na, sinabi nila na ako raw ang tinuturo ng tatlo nilang nahuli at naimbestigahan na nagplano at pumasok sa compound ng Degamo Family sa Pamplona, Negros Oriental. Tinortyur po ako. Sinofucate din ako sa pamamagitan ng pagpasok sa plastic ng aking ulo at gumamit sila ng alambre upang sakalin ako. Ako ay nahimatay at nang ako ay nagkamalay na, aking napansin na lumobo ang aking leeg na hanggang ngayon ay aking dinadamdam.

“Habang ako ay kinukunan ng aking salaysay sa PNP Headquarters, ako ay tinadyakan at sinasaktan at sinasabi sa akin na umamin na ako na si Cong. Teves ang nag-utos patayin si Gov. Degamo. Sinabi rin sa akin na kung hindi ko ituturo si Cong. Teves ay mapapahamak ang aking pamilya. Dahil sa takot na baka ako at ang aking pamilya ay patayin, sumunod na lamang ako sa kanilang gusto kahit na ang totoo ay hindi ko kailanman nakita o nakausap si Cong. Teves. Hindi ko rin siya kilala.

“Habang kinukuhanan din ako ng salaysay, ang PAO (Public Attorney’s Office) na ibinigay sa akin ay sinabihan ako na sumunod na lamang sa gusto ng mga pulis upang hindi ako lalo pang masaktan.

“Habang ako ay nagbibigay ng salaysay ay sinasabi sa akin ng mga nasa PNP Headquarters na ituro ko lamang si Cong. Teves at hindi na nila idadamay ang aking pamilya. Sinabi rin sa akin na ako ay kanilang papalayain at ilalagay sa witness protection program. Ito na ang naitatak sa aking isip na kung hindi ko ituturo si Cong. Teves ay ako at ang aking pamilya ay kanilang papatayin.”

Sa kaniya ring affidavit, sinabi ni Rivero na ipinaalam sa kaniya na dinala ang mga miyembro ng kaniyang pamilya sa kustodiya noong Marso 8 at mula noon, hindi na ipinaalam pa sa kaniya ang kanilang kinaroroonan.

Sinabi rin niyang ipinaalam sa kaniya ng kaniyang mga abogado na ang nangyari sa kaniya ay paglabag sa kaniyang mga karapatan sa ilalim ng Section 12, Article 3 of Constitution, Republic Act 9745, the Anti-Torture Act of 2009, at RA 7438, the Act Defining the Rights of the Person Arrested.

Itinanggi rin niya ang paggawa ng mga sinumpaang salaysay noong Marso 9 at Abril 3. Aniya, hindi kanya ang pirma sa dapat niyang pahayag noong Marso 9.

Kasabay nito, sinabi niya na ang sinasabing pahayag noong Abril 3 ay hindi naglalaman ng kaniyang pirma at pirma ng kaniyang PAO lawyer.

Hindi pa umuuwi si Teves sa Pilipinas simula noong nakaraang Marso 9, ang pagkapaso ng kaniyang awtorisasyon na maglakbay sa ibang bansa. Itinanggi ni Teves ang lahat ng paratang laban sa kaniya sa mga pagpatay sa bayan ng Pamplona.

Nauna rito, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla na ang mga suspek sa mga pagpatay ay kinakatawan na ngayon ng private lawyers.

Ngunit hindi nagpahayag ng anumang pag-aalala si Remulla sa posibleng pagbawi ng mga affidavit ng mga testigo na siyang isa sa mga naging batayan sa pagsasampa ng mga reklamo laban kay Teves.

Jeffrey Damicog