Ipinahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Lunes, Mayo 22, na ang Philippine Identification cards (PhilID) na ide-deliver sa City of Manila ang siyang PhilIDs na tanging apektado ng sunog sa Manila Central Post Office.

Sa isang pahayag, ibinahagi ni National Statistician and Civil Registrar General Claire Dennis Mapa na nakikipag-ugnayan na ang PSA sa Philippine Postal Corporation (PHLPost) upang malaman umano ang bilang ng PhilIDs na naapektuhan ng sunog sa nasabing national historical landmark.

“Based on the initial information provided by the PHLPost, only PhilIDs for delivery in the City of Manila were affected by the fire,” ani Mapa.

“We also wish to clarify that PhilIDs for delivery of the PHLPost are sorted and stored at the PHLPost Central Mail Exchange Center (CMEC) in Pasay City and were unaffected by the fire,” dagdag niya.

Tinitiyak din daw nila sa publiko na papalitan ng PSA ang mga PhilID na apektado ng sunog nang walang karagdagang singil para sa mga rehistradong indibidwal.

Nagsimulang sumiklab ang sunog sa Manila Central Post Office dakong 11:41 ng gabi nitong Linggo, Mayo 21, at idineklarang “fire under control” dakong 7:22 kaninang umaga.

Tinatayang ₱300 milyon na umano ang pinsalang naidulot nito.

MAKI-BALITA: Pinsala sa nasunog na Manila Central Post Office building, nasa ₱300M – BFP