Ibinahagi ng Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Lunes, Mayo 22, na tinatayang ₱300 milyon na ang halaga ng nasunog sa Manila Central Post Office.

Sa isang panayam nitong Lunes, Mayo 22, sa BFP-National Capital Region (BFP-NCR), sinabi ng public information service office na pitong katao ang nasugatan sa sunog.

Unang natupok ng apoy ang Manila Central Port Office nitong Linggo ng gabi, Mayo 21, kung saan itinaas umano ang sunog dakong 11:41.

Bandang 5:54 naman ng umaga nang itinaas ng BFP ang sunog sa general alarm o pinakamataas na antas ng alarma sa sunog.

Idineklarang fire under control ang sunog sa gusali dakong 7:22 kaninang umaga.

Patuloy naman umanong iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.

Samantala, sa isang livestream sa Facebook Page ng Manila Public Information Office, sinabi ni Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan na makikipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa national government upang maibalik umano ang dating imprastraktura kung saan nakatayo ang Manila Central Office.

“Sana sa mas mabilis na panahon ay mabalik natin ang Manila Central Post Office,” anang alkalde.