Ipinahayag ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) nitong Lunes, Mayo 22, na ikinalulungkot nila ang nangyaring pagkasunog sa gusali ng “Mahalagang Yamang Pangkalinangan” na Manila Central Post Office, at handa umano silang tumulong sa muling pagsasaayos nito.

“Bilang isang natalagang Mahalagang Yamang Pangkalinangan (Important Cultural Property), tunay ngang masasabi na isa ang gusaling ito sa mga pinakamaganda sa ating lungsod at isang mahalagang bahagi ng ating pambansang pamana,” pahayag ng NCCA.

“Kasama ang mga sangay pang-kultura at iba pang tanggapan ng pamahalaan, handa pong tumulong ang NCCA sa abot ng aming kakayahan hindi lamang sa pag-ayos ng nasirang gusali, kundi maging sa pagbabalik ng normal na operasyon ng Philippine Postal Corporation (PHLPost). Hinihiling din namin ang pakikiisa ng lahat sa mahalagang gawaing ito,” dagdag nito.

Nagsimulang sumiklab ang sunog sa Manila Central Post Office dakong 11:41 ng gabi nitong Linggo, Mayo 21, at idineklara ang “fire under control” dakong 7:22 kaninang umaga.

Tinatayang ₱300 milyon na umano ang pinsalang naidulot nito.

MAKI-BALITA: Pinsala sa nasunog na Manila Central Post Office building, nasa ₱300M – BFP

“Nawa ang pag-ayos ng mga nasira ay masimulan nang walang gaanong abala sa hanapbuhay at paglilingkod ng mga kawani ng PHLPost, na ating inaalaala dahil sa mga hamon na kanilang hinaharap ngayon,” saad ng NCCA.