Itinulak ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito nitong Lunes, Mayo 22 ang modernisasyon at automation ng Bureau of Customs (BOC).

Sinabi ni Ejercito na natitiyak niya na ang pag-modernize sa operasyon ng BOC ay tutugon sa katiwalian sa ahensya dahil mababawasan ang “human discretion” sa mga kritikal na operasyon at pagtasa.

“Hindi makapag-automate at dahil ang computerization nila ay naaantala, ang nangyayari, nabibigyan ng human discretion,” ani Ejercito sa isang panayam.

“Pag hindi computerized, pag may human discretion, pag may bura-bura, alam na po natin kung ano ang nangyayari sa ganoon," idinagdag niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Ejercito, na pangunahing may akda ng Anti-Agricultural Smuggling Law, na mapipigilan ng automation ang mga assessment officer na manipulahin ang halaga ng mga kalakal na pumapasok sa bansa.

Ibinahagi rin ng senador na nakatanggap siya ng mga ulat na ang tinasa na halaga ng isang produkto na papasok sa bansa ay minsan ay magkakaiba sa mga nakatala sa mga daungan.

“Ang napakapowerful diyan ay yung intelligence and assessment service na iisang tao lang po halos ang naglalagay ng assessed values ​​sa lahat ng produkto,” saad ni Ejercito.

“Kaya nakapagtataka, sa Port of Subic, sa Port of Manila, iba-iba ang presyo ng iisang produkto. Nagkakaroon po ng duda doon,” pagpupunto niya.

Sinabi ng senador na dapat ipagpatuloy ng pambansang pamahalaan at pabilisin ang modernization program ng BOC para matugunan ang mga pagkakaibang ito sa pagtatasa ng mga kalakal na pumapasok sa bansa.

Aniya, maging ang mga opisyal ng BOC ay umamin sa katatapos na pagdinig na ang pagkaantala sa kanilang modernization program ay isang malaking dilemma ng ahensya.

Hannah Torregoza