Ibinunyag ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold 'Poks' Pangan nitong Lunes na mahigit sa 1,400 mula sa 2,070 katao na sinawimpalad na bawian ng buhay sa Maynila dahil sa Covid-19, ay hindi bakunado.

Kaugnay nito, muling hinimok ni Pangan ang mga residente na magtungo na sa pinakamalapit na health center sa kanilang lugar upang magpaturok ng primary at booster shots laban sa Covid-19.

Sa Balitaan ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa Harbor View Restaurant nitong Lunes, sinabi ni Pangan na malaki ang advantage kung bakunado ang isang tao dahil tamaan man siya ng Covid-19 ay maaaring maging asymptomatic o di kaya ay mild case lamang.

Nagpahayag pa ng kalungkutan si Pangan dahil sa bumababang bilang ng mga nagpapaturok ng booster shots, na siyang sinisisi niya sa pagtaas muli ng Covid-19 cases sa Maynila at iba pang panig ng bansa.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Aniya, maraming tao ang tinatabangan nang magpabakuna dahil wala na halos restriksiyon na umiiral sa ngayon.

Noong kasagsagan aniya ng pandemya, marami ang nagpabakuna dahil kailangan nila ng vaccination card upang makapunta sa mga lugar na nais nilang puntahan, gaya ng malls at mga kainan.

Nilinaw naman ni Pangan na bagamat inalis na ang Public Health Emergency of International Concern (PHEIC) para sa Covid-19 ng World Health Organization (WHO), ay hindi ito nangangahulugan na wala na ang virus.

Aniya, sa Maynila ay tumataas pa rin ang mga kaso ng Covid-19 kaya't nagpasya si Manila Mayor Honey Lacuna na magpatupad ng mandatory face mask use sa city hall.

Siniguro naman ni Pangan na sakaling lalo pang tumaas ang Covid-19 cases ay handa naman dito ang Manila Health Department.

Mayroon aniya silang kabuuang 183 Covid bed allocations sa anim na city run hospitals, bagama't mababa lamang ang bed utilization rate nito na nasa 15.4%.

Kumpiyansa rin si Pangan na kung magpapaturok ng bakuna ang mga residente ay saka lamang tuluyang mawawala ang virus sa lungsod.