Tiniyak ni Postmaster General Luis D. Carlos ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) nitong Lunes na tuloy pa rin ang serbisyo nila sa kabila nang pagkatupok ng punong tanggapan sa Ermita, Manila.

Nagpahayag din naman ng labis na kalungkutan at panghihinayang si Carlos dahil sa biglaang sunog na naganap sa kanilang opisina sa gusali ng Manila Central Post Office (MCPO).

Aniya, “Masusi po kaming nakikipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa posibleng sanhi ng sunog na tumupok sa gusali ng MCPO."  

Pinapayuhan din niya ang kanilang mga kliyente sa Manila Central Post Office na sa halip ay pumunta sa kanilang sangay sa iba pang lugar sa Maynila at Metro Manila para sa kanilang transaksiyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Siniguro rin niya sa publiko na bukas pa rin at tuloy ang serbisyo ng Post Office sa buong bansa upang tumanggap at maghatid ng sulat at parsela. 

“This is truly sad news since the Post Office is an heritage site and frequently visited by people," ani Carlos. 

Pagtiyak pa ng Postmaster General, maghahanap sila agad ng temporary office at ililipat muna nila ang kanilang mga kartero mula sa Manila Central Post Office papunta sa kanilang mga karatig na sangay sa Maynila.   

“Magpapatuloy pa rin ang regular na operasyon at serbisyo postal sa bansa sa kabila ng ng ganitong hindi inaasahang pangyayari," ayon sa pahayag ng PHLPost.