Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga magulang sa Malabon City nitong Sabado, Mayo 20, na tiyaking makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak at iwasan ang mga ilegal na gawain.

Sa kaniyang mensahe sa Tambobong Indakan Festival sa Malabon City, muling ibinahagi ni Duterte ang kahalagahan ng kalidad ng edukasyon upang malabanan ang mga inhustisya at makamit ang pag-unlad ng bansa.

“Nanawagan po ako sa inyong lahat dito sa Malabon na magtulungan po tayo na paniguraduhin na ang ating mga anak ay pumapasok sa paaralan at makatapos ng pag-aaral," ani Duterte.

"Ilayo po natin sila sa mga kriminalidad, ilegal na droga, sa NPA, mga terorista dahil ito po ay makakasira sa kanilang kinabukasan,” dagdag niya.

Binanggit din ng Bise Presidente ang iba pang mga programa sa Office of the Vice President (OVP) na naglalayon umanong ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga tao at bigyang-daan ang mga Pilipino na pagyamanin ang kanilang potensyal sa pagnenegosyo upang makapamuhay sila sa mas magandang kalagayan.

Sinabi rin ni Duterte na mayroong umiiral na proyekto na nagbibigay ng tulong para sa small and medium enterprises.

"Meron po kaming Mag Negosyo ‘Ta Day kung saan nagbibigay kami ng ₱100,000 to ₱500,000 na perang tulong sa mga organisasyon ng kababaihan, ng LGBTQ, o mga PWD na interesadong magnegosyo,” aniya.

Binanggit din ni Duterte ang Peace 911 campaign, isang programa na nagkakampanya umano sa family planning at responsible parenthood.

Dumalo ang Bise Presidente sa festival na isa sa mga highlight ng ika-424 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Malabon.

Ipinakita rin sa pagdiriwang ang mga sayaw na nagpapakita ng kultura at kasaysayan ng lungsod, at ang pagbubukas ng kanilang “One Barangay, One Product” exhibit.

Betheena Unite