Naglunsad ang pamahalaan ng Estados Unidos ng serye ng intensive training workshops sa mahigit 100 English teachers sa Pilipinas upang mapahusay umano ang kanilang mga pamamaraan at kasanayan sa pagtuturo ng wikang Ingles.
Sa pahayag ng US Embassy in Manila, ang naturang trainings ay nagsimula umano noong Mayo 8 at inaasahang matapos sa Mayo 26.
“The workshops employ a 'training the trainers' curriculum designed specifically for the Philippines by U.S.-sponsored English Language Specialists, Donna Brinton and Jan Frodesen,” anang US Embassy.
Inaasahan umanong mapakinabangan ang programa ng mahigit sa 7,000 guro at 250,000 mag-aaral sa Pilipinas sa pamamagitan ng paghahanda sa mga kalahok na manguna sa ollow-on training sessions kasama ang mga kasamahan sa kanilang lokal na komunidad.
Ayon kina Brinton at Frodesen, ang programa ay nagbabahagi ng impormasyon, mga estratehiya, at mga pamamaraan na nagbibigay-daan sa mga kalahok na sanayin din ang kanilang mga kapwa guro sa kani-kanilang komunidad.
Sa unang dalawang linggo ng mga workshop sa Maynila, mahigit 60 guro mula sa mga institusyong pang-akademiko sa Mindanao—kabilang na ang mga public high schools sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi—ang tumanggap ng pagsasanay. Sumali rin umano ang 12 guro mula sa English Access Microscholarship Program ng State Department, kabilang ang mga kalahok mula sa Fiji, sa programa.
Ibinahagi rin ng embahada na mahigit 50 mga guro mula sa iba't ibang campus ng Palawan State University ang nakatakda namang sumali sa final set ng workshops mula Mayo 22 hanggang 26 sa Puerto Princesa, Palawan.
Noong Mayo 17, nakipagpulong si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa mga kalahok ng workshop upang muling pagtibayin ang pangako ng US na makipagtulungan sa kanilang partners sa Pilipinas hinggil sa pagsuporta umano sa kalidad ng edukasyon sa bansa, lalo na sa pag-aaral ng wika.
“We know that having a strong educational system is the key to prosperity,” ani Carlson.
“The United States looks forward to seeing the positive results of this program as dedicated Filipino educators share these methods with their peers and students,” dagdag niya.
Para sa mga workshop na ito, nakipagtulungan ang gobyerno ng US sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, National Commission on Muslim Filipinos, non-government organization na Synergeia Foundation, Inc., at Palawan State University.