Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa mga bagong nagtapos ng Philippine Military Academy (PMA) na isabuhay ang mga prinsipyo ng karangalan at kahusayan sa gitna umano ng mga umiiral na hamon at banta sa seguridad at kaligtasan ng bansa.

Sinabi ito ni Marcos matapos niyang pamunuan sa unang pagkakataon ang Commencement Exercises ng PMA 'MADASIGON' (Mandirigmang May Dangal Simbolo ng Galing at Pagbangon) Class of 2023 sa Fort General Gregorio Del Pilar sa Baguio City nitong Linggo, Mayo 21.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Marcos na umaasa siyang patuloy na pasisiglahin ng mga nagsipagtapos ang kanilang walang hanggang pangako sa tunay na pagmamahal sa bayan at serbisyo publiko.

"In all your tasks, diligently work for unity, respect for democratic ideals, institutions, and mechanisms, and the rule of law," ani Marcos.

"Live up to the precepts that define your class identity, namely: honor, excellence, and ability to recover, and help lead our nation toward a progressive and prosperous future that we all aspire for," dagdag niya.

Dahil dito, nagpahayag ang Pangulo ng kumpiyansa na ang mga bagong nagsipagtapos ay sinanay na upang maging handa sa mga mabibigat na hamon na naghihintay sa kanila, at sinabing "magsisimula na ang tunay na laban."

"Existing realities in the rapidly evolving security environment impel us to be always prepared for any and all threats that our country might face," ani Marcos.

"Purveyors of criminality, insurgency, and terrorism are the great interlopers in our peaceful aspirations that undermine our peace and stability and our march to prosperity in our sovereign domain and its environs.

"Your courage, strength, and skills have made you fit and qualified for admission into the Armed Forces and for deployment into the actual theaters of operations," saad pa niya.

Bilang commander-in-chief, tiniyak ni Marcos sa mga nagsipagtapos na makikipagtulungan siya sa kanila sa sama-samang pagseserbisyo publiko sa pagbuo ng isang mas malakas at mas matatag na bansa.

"As you encounter challenges along the way, apply the hard-won lessons that you have learned while in the halls of the academy- clinging to the values of courage, integrity, and patriotism. That way, you will never lose your way," ani Marcos.

Sa kaniyang unang pagdalo sa graduation ng PMA bilang Pangulo, pinangunahan ni Marcos ang awarding rites sa 310 graduating cadets, na binubuo ng 238 lalaki at 72 babae. Maglilingkod umano ang mga kadete na ito sa tatlong sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP): 158 sa mga ito ay sa Philippine Army (PA), 77 sa Philippine Navy (PN), at 75 sa Philippine Air Force (PAF).

Mula sa 310 kadete, si Cadet 1CL Warren Leonor, na tubong Lipa City sa Batangas, ang lumabas bilang valedictorian ng graduating class. Nakatanggap siya ng maraming parangal, kabilang na ang Presidential Saber mula sa Pangulo.

Nakatakdang sumali sa Philippine Air Force ang PMA top-notcher ngayong taon.

Argyll Cyrus Geducos