Iniulat ng Caloocan City Police Station (CCPS) na nagpaputok ng baril ang isang lalaki at nagtapon ng granada sa harap ng tanggapan ng Northern Police District- Drug Enforcement Unit (NPD-DEU) sa Barangay 14, Caloocan City nitong Sabado, Mayo 20.
Ani Gen. Ponce Rogelio Peñones, Northern Police District (NPD) director, natukoy na nila ang suspek.
Sa ulat ng pulisya, agad na tumakas ang lalaki patungo sa Pampano Street matapos magpaputok ng baril at maghagis ng hand grenade na sumabog sa harap ng opisina malapit sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dakong ala-1:45 ng madaling araw.
Narekober ng CCPS Explosive Ordinance Division (EOD) ang tatlong fired cartridge, isang slug, at metallic fragment mula sa sumabog na MK-2 hand grenade.
Sinabi ni CCPS Chief Col. Ruben Lacuesta na napinsala ng pagsabog ang harapang hagdanan ng police station.
Aniya, nakakita rin sila ng mga butas ng bala sa main door ng opisina at sa ibabaw ng sasakyan na nakaparada sa harap ng opisina.
Itinago ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na ngayon ay target ng manhunt na inilunsad ng CCPS.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang paghihiganti laban sa kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga bilang isa sa mga posibleng motibo sa likod ng pag-atake.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
Diann Ivy Calucin