Posibleng maging super typhoon ang bagyong namataan sa labas ng Pilipinas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Paglilinaw ni senior weather forecaster Chris Perez ng PAGASA, posibleng pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ngayong linggo ang bagyong may international name na "Mawar" at posibleng maging super bagyo.

“Anything can happen, lalo na kung favorable ‘yung environmental — both the oceanic and atmospheric condition, posibleng mas lumakas pa ito,” ani Perez sa isang television interview.

Kung hindi magbabago ng direksyon, posibleng tumama ang bagyo sa hilagang silangan ng bansa, taglay ang malakas na hangin.

Sa ngayon, nasa Pacific Ocean pa ang bagyo at patuloy pang binabantayan ng PAGASA.