Umaabot sa kabuuang 1,201 pamilya, na nawalan ng tahanan sa isang sunog na sumiklab sa Sta. Cruz, Manila noong Mayo 14, ang binigyan ng kaukulang tulong ng Manila City Government.
Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga naturang pamilya, kasabay nang pagpapaabot ng kanyang labis na kalungkutan dahil sa naganap na sunog, na ikinasawi ng isang residente at ikinasugat ng apat na iba pa.
Nakatuwang niya sa aktibidad sina Congressman Joel Chua, Vice Mayor Yul Servo, social welfare department chief Re Fugoso at mga konsehal mula sa ikatlong distrito.
“Ipagpaumanhin nyo po na kailangan namin kayong ipatawag dito sa P. Gomez (Elementary School) dahil medyo malaki-laki po kayong grupo… 1,201 na naapektuhan sa nangyaring sunog dito sa Barangay 310.Nakakalungkot po talaga dahil ngayon palang tayo bumabangon tapos tatamaan tayo ng ganitong uri ng trahedya,” ayon kay Lacuna.
Nagpahayag rin naman ng kumpiyansa ang alkalde na muling makakabangon ang mga nabiktima ng sunog dahil ang mga Manilenyo ay kilala sa kanilang pagiging matatag sa harap ng anumang pagsubok.
“Nakakalungkot po talaga pero tayong mga Manilenyo, babangon, babangon at babangon. Ganyan tayo katatag,” aniya pa.
Bilang karagdagan, tiniyak rin naman ni Lacuna sa mga biktima ng sunog na ang pamahalaang lungsod ay palaging nariyan upang magkaloob ng kinakailangang tulong para sa kanila.
“Makakasiguro kayo na ang inyong pamahalaan ay lagi n’yong katabi anuman ang mangyari,” pangako pa ng lady mayor.
Aniya pa, bagamat maliit lamang ang tulong pinansiyal na naipagkaloob nila ay makakatulong na rin aniya ito upang muli silang makapagsimula at makabangon mula sa pangyayari.
Nangako rin siya na kung magbabago ang fiscal condition ay muli silang mamamahagi ng panibagong bugso ng ayuda para sa kanila.
Nabatid na ang bawat pamilya ay tumanggap ng tig-P10,000 ayuda o kabuuang P12 milyon mula sa city government, bukod pa sa mga ipinamahaging food boxes.
“At nabanggit na rin po ni Direktora Re fugoso na bukas, tutulong muli naman sa inyo ang inyong Congressman, Atty. Joel Chua sampu ng mga kasamahan namin sa konseho na bumubuo sa Distrito 3. Kung tayo ay magtutulungan, wala pong imposible,” anang alkalde.
Nabatid na si Rep. Chua ay nagbigay ng tig-P5,000 at mga rice bags habang ang mga konsehal naman ay nagkaloob ng mga bags of goods para sa mga biktima ng sunog.