Naniniwala si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na nagbitiw si Vice President Sara Duterte bilang miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), dahil gusto niyang ilaan ang karamihan sa kaniyang oras sa kaniyang maraming trabaho sa gobyerno.

Sinabi ito ni Marcos kasunod ng pag-anunsyo ni Duterte ng kaniyang pagbibitiw nitong Biyernes, Mayo 19.

BASAHIN: VP Sara, nagbitiw bilang miyembro ng Lakas-CMD

Sa panayam ng mga mamamahayag sa Pagudpud, Ilocos Norte, sinabi ng Pangulo na tiyak na na-overwhelm si Duterte at nagpasyang magbitiw sa Lakas-CMD sa gitna ng lahat ng obligasyon nito sa taumbayan bilang Vice President, Education Secretary, at Vice Chair ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

"It’s true because kung titignan mo, kung ano ang mga hinaharap niya ay talagang marami talaga," ani Marcos.

"Hindi niya pwede – to be involved in whatever it is that is going on – she has to concentrate on her job as Secretary for the DepEd and now NTF-ELCAC.

"She has too much work to do that she cannot be involved in any – that she cannot allow herself to be distracted. That's the way I read it," dagdag niya.

Dahil dito, Sinabi ni Marcos na naiintindihan niya kung bakit kailangang magdesisyon ni Duterte.

“So, I can understand why sasabihin niya ‘sige ayusin n’yo muna ‘yan, gagawin ko muna itong mga importanteng kailangan kong tapusin,” saad ni Marcos.

Nang tanungin hinggil sa pagbabago ng pamunuan sa House of Representatives, sinabi ni Marcos na bahagi lamang ito ng reorganization. Inaalala rin niyang sa dalawang termino umano niya bilang House member, tatlong beses naganap ang reorganization.

Nauna nang tumanggi ang Pangulo na magkomento sa tila labanan sa kapangyarihan sa House of Representatives.

Ang pagbibitiw ni Duterte ay kasunod ng muling pagsasaayos ng mga pangunahing posisyon sa House of Representatives kung saan tinanggal sa kaniyang puwesto bilang Senior Deputy Speaker si Pampanga Second District Representative Gloria Macapagal-Arroyo, ang chairman emeritus ng Lakas-CMD.

Si House Speaker Martin Romualdez, pinsan ni Pangulong Marcos, ang pangulo ng Lakas-CMD.

Argyll Cyrus Geducos