Anim na insidente ng pagragasa ng malalaking tipak ng bato ang naitala sa Mayon Volcano sa nakaraang 24 oras.
Paliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang sunud-sunod na insidente ng pagragasa ng mga bato ay naramdaman simula 5:00 ng madaling araw ng Biyernes (Mayo 19) hanggang 5:00 ng madaling araw ng Sabado (Mayo 20).
Nakitaan din ng crater glow o pagliwanagsa bunganga ng bulkan na palatandaan na tumitindi pa rin ito sa pag-aalburoto.
Nagbuga rin ito ng 185 toneladang sulfur dioxide kada araw katulad ng huling naitala nitong Mayo 16.
Umabot naman sa 300 metro ang pinakawalang usok ng bulkan at ito ay naipadpadsa kanluran.
Naobserbahan din ng Phivolcs ang patuloy na pamamaga ng bulkan.
Dahil dito, ipinagbabawal pa rin ng ahensya ang pagpasok ng publiko sa 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ).
Binalaan din ang publiko dahil sa posibilidad na pumutok ito o magkaroon ng phreatic explosions, rockfall incidents at pagdaloy ng lahar kapag umulan.