Binatikos ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo "Arnie" Teves Jr. ang umano'y utos ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa kaniyang mga tauhan na "hulihin" siya sakaling lumipad pabalik sa Pilipinas.

Sa kaniyang video message na inilabas sa kaniyang Facebook page nitong Biyernes, Mayo 19, ipinakita ni Teves Jr. ang isang mensahe na may petsang Mayo 17, 2023, na tungkol sa umano'y pag-uutos sa mga awtoridad na i-intercept siya kapag umuwi siya sa Pilipinas.

“"In view of the reported arrival into the country of Cong. Arnolfo Teves Jr. today, May 17, 2023, everyone is enjoined forthwith to be on high alert and vigilant to monitor such event, both in regular and special flights.

“If encountered, please instantaneously intercept the subject, ask for assistance from other law enforcement authorities in the area for security, immediately inform the Commissioner for proper disposition and prepare Incident Report,” makikita sa parte ng umano’y order ng BI na ibinahagi ni Teves.

Nakalagay rin sa nasabing kopya ng umano’y mensahe mula sa Komisyoner na sinumang makakuha ng detalye o impormasyon na magkukumpirma sa arrival ni Teves ay mangyaring ipagbigay-alam sa kaniya.

"Ito na, lumabas na. ito pala ang totoong rason kung bakit nila ako gustong umuwi. May order ngayon na ‘pag ako ay dumating, ako ay i-intercept," saad ni Teves sa naturang video message.

"Ano pang mas nakakapagtaka? Lumabas itong order na ‘to bago pa sila nag-file ng mga kaso laban sa akin. Ibig sabihin, wala pa akong kaso may order na na-i-intercept ako.”

"Ito ay halatang political persecution at pang-aabuso ng aking karapatang pantao," pagbibigay-diin ni Teves. “Palagay na nating, for the benefit of the doubt, may kaso ako. Still, I am innocent until proven guilty. Hindi ako dapat i-intercept, hindi ako dapat hulihin, hindi ako dapat ikulong.”

Ayon kay Teves, ito umano ang malinaw na dahilan kung bakit ayaw niyang umuwi ng bansa.

“Dito natin makikita ang pang-aabuso nila sa akin, at ang mas malala pa rito, meron silang masamang balak sa aking pagkatao at sa aking buhay. Ngayon alam n’yo na kung bakit ayaw kong umuwi,” aniya.

Nahaharap si Teves ng ilang mga kaso, tulad ng murder, kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam pang nadamay.

BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla

Kamakailan lamang ay humiling si Teves ng political asylum sa Timor-Leste, ngunit agad naman itong ibinasura ng pamahalaan doon.

BASAHIN: Hiling na ‘political asylum’ ni Teves, ibinasura ng Timor Leste – DFA