Mas magiging mainit na ang salpukan ng primetime broadcasts sa bansa kasabay ng anunsyo ng “Frontline Pilipinas” ng TV 5 na sa darating na Lunes, Mayo 22, tatapatan na nila ang “TV Patrol” ng ABS-CBN at “24 Oras” ng GMA.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ng Kapatid anchor na si Cheryl Cosim ang bagong timeslot ng nasabing news program.
“Simula May 22, makikipagsabayan na kami! #FrontlinePilipinas, 6:30pm na. Balitang Frontline, Balitang Primetime @tv5manila,” lahad niya.
Inaasahan na sa paglipat nito sa 6:30 P.M. na timeslot ay mas magiging siksik ang mga balitang maihahatid nito sa kanilang mga taga-subaybay.
Kasama ni Cheryl Cosim si Julius Babao bilang main anchors ng “Frontline Pilipinas,” habang ang mga beteranong mamamahayag naman na sina Luchi Cruz Valdes, Ed Lingao, at Lourd de Veyra ay may kaniya-kaniya pa ring pasabog at parte sa naturang programa.
Matatandaang noong nakaraang taon ay kinilala ang “Frontline Pilipinas” ng People Management Association of the Philippines (PMAP) bilang “Best TV News Program.”