Isang Hebrew Bible na may tanda umanong nasa mahigit 1,000 taon ang naibenta na sa halagang $38.1 milyon sa New York nitong Miyerkules, Mayo 17.
Sa ulat ng Agence France-Presse, ito na ang naging record holder para sa pinakamahal na manuskrito na naibenta sa pamamagitan ng auction.
Sa pahayag ng auction house, naibenta na ng Sotheby's ang Hebrew Bible matapos ang apat na minutong labanan sa bidding sa pagitan ng dalawang bidder.
Binili ito ni dating US diplomat Alfred Moses sa ngalan ng isang American nonprofit na siyang magbibigay naman nito sa ANU Museum of the Jewish People sa Tel Aviv, Israel, ayon sa Sotheby’s sa ulat ng AFP.
Nalampasan na umano ng nasabing $38.1 milyong benta sa Hebrew Bible ang $30.8 milyong binayaran ni Microsoft founder Bill Gates para sa manuskrito ng Codex Leicester ni Leonardo da Vinci noong 1994 bilang “most expensive handwritten document” na naibenta sa auction.
Matatandaang nito lamang Marso ay ipinakita sa midya at isang linggong isinapubliko sa bansang Israel ang nasabing Bibliya na Codex Sassoon bago tuluyang ibenta sa New York.
BASAHIN: Kilalang pinakamatandang Hebrew Bible, isasapubliko sa Israel bago ibenta
Ang Codex Sassoon ay isa lamang umano sa dalawang codex, o mga manuskrito, na naglalaman ng lahat ng 24 aklat ng Christian Old Testament na nakaligtas at nananatili hanggang ngayong modernong panahon.