Tinatayang 80% ng mga Pilipino ang patuloy na nagtitiwala at nasisiyahan sa performance ng Philippine National Police (PNP), ayon sa inilabas na resulta ng March 2023 survey ng OCTA.

Sa inilabas na “Tugon ng Masa” survey ng OCTA, tinatayang 21% umano ng mga Pilipino ang lubos na nagtitiwala sa PNP, habang 59% ang medyo nagtitiwala.

Samantala, 5% lamang daw ang hindi nagtitiwala, kung saan 1% naman dito ang lubos na hindi nagtitiwala habang 4% ang medyo hindi nagtitiwala.

Nasa 15% ang hindi nagbigay ng opinyon hinggil sa usapin.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Pagdating naman sa performance rating ng PNP, 23% umano ang “very satisfied” sa performance ng PNP, habang 57% ang “somewhat satisfied.”

Ayon pa sa survey ng OCTA, nasa 5% naman ang “somewhat dissatisfied” sa performance ng PNP, habang 1% ang “very dissatisfied.”

Hindi rin umano nagbigay ng opinyon sa usapin ang 15% ng mga respondente ng OCTA.

Samantala, 41% naman ng mga respondente ang nagsabing may “improvement” sa pagpapatupad ng PNP ng peace and order, 9% ang nagsabing lumala ito habang 48% ang nagsabing walang pagbabago rito.

Tinatayang 41% din umano ang nagsabing bumuti ang tugon ng pulisya sa kriminalidad, 8% ang nagsabing lumala ito, habang 46% ang naniniwalang hindi nagbabago ang tugon ng PNP sa kriminalidad.

Isinagawa umano ang nasabing non-commissioned survey, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Pinoy sa bansa na may edad 18 pataas, mula Marso 24 hanggang 28 ngayong taon.