Lima pang indibidwal ang pinangalanan bilang co-respondent sa mga reklamong kriminal na isinampa laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. para sa pagpatay umano kay Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa sa bayan ng Pamplona noong Marso 4.

Pinangalanan sa mga reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkules, Mayo 17, sina Angelo V. Palagtiw, Neil Andrew Go, Capt. Lloyd Cruz Garcia, Nigel Electona, at isang taong kinilala lamang sa mga alyas na “Gee-Ann, Jie-An,” na iniulat na kapatid ni Palagtiw.

Kinasuhan si Teves at ang kaniyang co-respondents ng 10 counts ng murder, 14 counts ng frustrated murder, at four counts ng attempted murder sa ilalim ng Revised Penalty Code. Ang kasong murder ay isang non-bailable offense o walang piyansa.

Pitong suspek ang kinasuhan na sa korte sa mga pagpatay, at nakabinbin ang kanilang mga kaso sa Manila regional trial court (RTC).

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Pinahintulutan naman umano ng Korte Suprema ang paglipat ng mga kaso mula sa Negros Oriental patungong Maynila.

Kinasuhan sa korte ang mga kinilalang sina Marvin H. Miranda, Rogelio C. Antipolo Jr., Romel A. Pattaguan, Winrich B. Isturis, John Louie L. Gonyon, Dahniel P. Lora, at Eulogio L. Gonyon Jr.

Bilang kasama sa mga bagong kinasuhan sa DOJ, inaresto ang pinangalanang co-respondent na si Electona ng pulisya sa Negros Oriental noong Marso at nahaharap sa kasong illegal possession of firearms at explosives.

Hindi pa naman natutukoy ang mga personal na detalye sa iba pang respondents dahil hindi pa available ang kopya ng mga reklamo.

Samantala, inaasahang gagawa umano ang DOJ ng panel na magsagawa ng pagsusuri at pag-aaral, at, pagkatapos, maglalabas ng isang resolusyon – maaaring ibasura ang mga kaso o ihain ang mga ito sa korte.

Mag-i-isyu naman ng summon para sa respondents na maghain ng kanilang counter-affidavits.

Sa kaso ni Teves, na nasa ibang bansa pa rin sa kabila ng expiration ng kanyang travel authority noong Marso 9, ihahatid umano ang summon sa lugar kung saan siya huling natukoy na naroroon.

Isa si Teves sa mga tiningnang mastermind sa pagpaslang kina Degamo. Itinanggi naman ng kongresista ang mga paratang laban sa kaniya.

BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla

Jeffrey Damicog