Isinulong ni Ilocos Norte 1st district Rep. Sandro Marcos ang House Bill No. 8037 na naglalayong i-institutionalize ang postal o mail-in voting para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), may sakit, at locally-stranded individuals tuwing may public health emergencies or states of calamity.

Sa kaniyang explanatory note, iginiit ni Marcos na maraming mga estado sa United States noong kasagsagan ng pandemya ang nag-explore ng postal o mail-in voting, na tinatawag ding vote-by-mail, upang maiwasan umano ang panganib ng Covid-19.

"Of serious and special concern is the welfare of the elderly, the handicapped and the sick who are most vulnerable to the contagion," saad ni Marcos.

"Apart from the avoidance of the health risks associated with Covid, the availability of postal voting also has other advantages. It can reduce staff requirements at polling centers during an election," dagdag niya.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Binanggit din ni Marcos na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng postal voting, maaari nang mabawasan ang mga kinakailangang kawani sa mga polling center sa panahon ng isang halalan.

Makakatipid din umano ito ng malaking pera at oras ng mga tao lalo na sa mga babiyahe pa papunta sa lugar kung saan sila rehistrado bilang botante.

Higit pa rito, ani Marcos, nagpapataas ang postal voting ng bilang ng mga bobotong indibidwal.

Saad pa niya, sa kabila ng mga pagtutol ng ilang mga sektor, kakaunti o hindi raw gaanong matibay ang argumentong ang mail-in voting ay nagpapataas ng posibilidad ng pandaraya.

"In any case, researches have shown that the advantages of vote-by-mail far outweigh the disadvantages, real or imagined, of the system," anang kongresista.

Sa ilalim ng panukala, magpapatupad ang Commission on Elections (Comelec) ng isang postal o mail-in voting system tuwing may public health emergencies o states of calamity para sa mga naturang sektor o indibidwal.