Isang babae sa bansang India ang nanalo sa isang lokal na halalan, halos dalawang linggo matapos umano siyang masawi.
Sa ulat ng Agence France-Presse, idineklarang panalo ang first-time candidate na si Ashiya Bi, 30-anyos, 12 araw matapos siyang masawi dahil sa acute lung and abdominal infection.
Nakakuha umano si Bi ng 44% ng kabuuang boto para sa puwesto sa municipal civic body sa pinakamataong estado ng Uttar Pradesh sa India.
Ipinaalam naman daw ng asawa ni Bi sa mga opisyal ng halalan ang pagkasawi nito, ngunit sinabi ng opisyal ng distrito na si Bhagwan Sharan na hindi na pwedeng alisin ang kaniyang pangalan sa balota.
"Once the electoral process begins, it cannot be halted or paused," ani Sharan sa AFP nitong Martes, Mayo 16.
Nang nabubuhay pa raw si Bi ay malapit na ito sa mga tao sa lugar, kaya't kahit na wala na ito'y binoto pa rin siya bilang senyales umano ng respeto at pagkilala sa kaniya.