Arestado ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaki na umano'y gumahasa sa 15-anyos na kapatid na babae ng kanyang dating live-in partner sa Quezon City noong Linggo ng umaga, Mayo 14.
Kinilala ni Lt. Col. Richard Ian Ang, QCPD Galas Station (PS 11) commander, ang suspek na si Albert, 24, ng San Juan City.
Ayon sa ulat ng pulisya, umuwi ang biktima na nasa ilalim ng impluwensya ng alak sa Barangay Sto. Nino, QC, at nakita ang suspek sa loob ng bahay dakong ala-1 ng madaling araw noong Linggo.
Sinabi ng pulisya na habang natutulog ang biktima ay sekswal na inabuso ito ng suspek.
Sinabi ng biktima sa kanyang ina ang nangyari at humingi sila ng tulong sa PS 11.
Nagtungo sa lugar ang mga rumespondeng operatiba at agad na inaresto ang suspek.
Kasong paglabag sa Republic Act 8353 (The Anti-Rape Law of 1997) at Republic Act 7610 (The Anti-Child Abuse Law) ang isasampa laban sa suspek, sabi ng QCPD.
Aaron Homer Dioquino