Inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes na napili na ang 22 official candidates para sa 'Miss Manila 2023.'

Mismong si Lacuna ang nanguna sa isinagawang sashing ng mga nasabing kandidata sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Manila City Hall nitong Lunes, na inorganisa ng tourism department sa pamumuno ni Charlie Dungo.

Ayon sa alkalde, ang mga nasabing kandidato ay dumaan at nakapasa sa face-to-face interview hanggang sa mapili ng board of judges ang final at official list ng mga kandidato na prinisinta at nilagyan ng sash.

"All our lovely girls underwent the pre-qualification process and were selected according to their submitted credentials and video footages. We are all excited to see you girls compete," anang alkalde.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

"Sana, i-enjoy n'yo lang ang inyong journey sa pageant na ito. This is your opportunity to hone and shine in your inner and outer character as the woman of the future," dagdag pa nito.

Pinasalamatan din ni Lacuna ang lahat ng sumali at tumulong sa paglulunsad at pag-revive ng nasabing proyekto na nahinto noon dahil sa pandemya.

Nabatid na ang naturang patimpalak ng pagandahan ay bahagi ng selebrasyon ng nalalapit na 452nd founding anniversary ng Maynila sa Hunyo 24.

Sinabi ni Dungo na ang coronation night ay gaganapin sa Hunyo 23 sa Metropolitan Theater at ang mga kandidato ay kakatawan sa mga pangunahing lugar sa anim na distrito ng lungsod.