LUCENA CITY, Quezon — Patay ang isang 33-anyos na lalaki sa pananambang ng isang suspek habang papunta sa kaniyang trabaho ang una nitong Martes ng umaga, Mayo 16, sa Barangay Isabang.
Sa ulat ng pulisya, nakilala ang biktima na si Charles Moises Vidal, residente ng Barangay Ilayang Talim, at may hawak itong lisensya sa pagmamay-ari ng baril, base sa nakitang identification card sa kaniya.
Tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktima, ayon sa inisyal imbestigasyon ng pulisya.
Sinabi ni Investigator-on-case Police Senior Master Sergeant Wilbar Schramm Apoli nitong 6:30 ng umaga, habang nagmamaneho ng motorsiklo ang biktima papunta sa kaniyang trabaho sa bodega ng San Miguel Corporation (SMC), tinambangan umano ito at binaril ng hindi pa nakikilalang suspek na tumakas sakay ng motorsiklo na patungo sa hindi malamang direksyon.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng hindi pa batid na kalibre ng baril habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang suspek at ang motibo nito sa pagpatay.
Naitala ng Lucena City Police ang apat na insidente ng pamamaril sa loob ng dalawang magkasunod na linggo at lahat ay kasalukuyang iniimbestigahan pa.